Sa panahon ngayon, mahirap magtiwala. Maraming manloloko, manggagantso, mapagsamantala. Kaya nga't madalas nating marinig mula sa mga nakatatanda habang pinagsasabihan ang mga bata "don't talk to strangers". Tama nga naman, madalas ang mga nagiging biktima ng mga karahasan o pananamantala ay yung mga taong mabilis magbigay ng kanilang tiwala. Pero nasubukan mo na bang makipag-usap sa isang ESTRANGHERO?
Makikita mo ako sa iba't ibang bahagi ng Metro Manila, gumagala, puma-PARTY. Hindi ako yung tipo ng tao na lulon sa mga bisyo. Pero gusto ko ng mga kasiyahan. Hindi ko yata kayang manatili lang sa bahay ng buong linggo ng hindi lumalabas para gawin ang mga bagay na gusto ko. Sakit na nga yata yun. Yung nangangati ang paa, nangangalay ang likod at puwet at sumasakit ang ulo pag walang GALA. Yan ako. Normal yan para sa akin.Hindi ko alam sa iba.
Pero sa kabila ng pagiging gala, ako rin yung tipo ng tao na madalas mong makikitang nag-iisa. Hindi dahil sa takot ako sa mga tao. Puma-party nga ako di ba? Pero minsan, masarap lumayo at pansamantalang iwan ang mundong araw araw mong ginagalawan. Yung mga taong araw araw mong nakakasalamuha at yung mga gawaing palagi mong ginagawa. Hindi masamang mapag-isa. Dahil sa mga panahong yun, malaya kang nakakapag-isip at malaya mong naaangkin, maging pansamantala man lang ang salitang KAPAYAPAAN.
Hindi ako madaling magbigay ng tiwala. Hindi ibig sabihin na madalas tayong magkausap at magkakwentuhan, tiwala na ako sa'yo. Hindi ganun yun. Maaaring may mga bagay ka na nalalaman tungkol sa akin. Pero malaki na kung dalawampung pursyento ng pagkatao ko ang alam mo. Kaya nga para sa akin walang pwedeng humusga at kumuwestyon sa kung sino at kung ano ako. Alam yan ng mga kaibigan ko. Mabait ako sa mabait, madalas mo rin akong makikitang masaya. Pero marunong din ako magalit, gaya ng lahat. Normal ako parang ikaw.
Naging magulo ang isip ko ng mga nagdaang araw. May mga bagay na gumugulo sa isip ko at may mga bagay na hindi ko masabi sa kahit na kanino. Marami akong kaibigan, at may mangilan sa kanila na nakakausap ko tungkol sa mga bagay na hindi ko masabi sa iba. Pero iba ito. Hindi malaking problema pero hindi ko maramdamang kailangan kong sabihin sa kanila. Minsan may mga bagay tayong hindi masabi at hindi natin alam kung bakit. Kahit sa mga pinagkakatiwalaan nating mga tao. At sa mga panahong ito, tila kailangan natin ng isang ESTRANGHERO.
Estranghero ang tawag sa taong hindi mo kilala, walang kinalaman sa buhay mo o hindi mo nakakasalamuha. Maaaring isang taong sa isang saglit, bigla o marahan ay nakadaupang palad mo sa di inaasahang pagkakataon. O sadyang nakilala o nakausap mo lang. May mga nagsasabing wala naman talagang estranghero dahil lahat naman tayo ay galing sa iisang pamilya. Hindi man natin kilala ang isang tao, galing pa rin tayo sa iisang Ama. Pero para sa akin, Estranghero ka kung hindi kita kilala.
Isang pagkakataon ang dumating sa akin ngayon. Isang kamag-anak na matagal kong hindi nakita at ni minsan ay hindi ko nakausap ang nakasama ko sa loob lang ng isang araw. Isa syang Estranghero para sa akin dahil hindi ko sya kilala maliban sa kanyang pangalan. Kaya nga't hindi naging madali sa una ang pakikipag-usap ko sa kanya. May mga pagkakataong hindi ko alam ang sasabihin at hindi ko alam kung paano bubuhayin ang usapan. Pero gaya ng sinabi ko, isa itong pagkakataon. Pagkakataong masabi ko ang isang bagay na hindi ko masabi sa iba dahil sa mapanghusgang pananaw ng mga tao. Oo, unang beses kaming nag-usap at naglabas ako ng mga saloobin ko. Bagay na kadalasan ay ginagawa ko lang sa mga malalapit kong kaibigan. Pero iba ito, iba pala ang pakiramdam ng pagsasabi ng nilalaman ng isip mo sa taong hindi mo kilala at hindi ka rin kilala. Mas malaya kang magpahayag ng nararamdaman mo ng walang alinlangan. Nasabi ko na ang hindi ko masabi, ng walang panghuhusga at may pagmamalasakit, na sa palagay ko ay tunay dahil hindi naman nya kailangang magpanggap dahil hindi naman kami magkakilala.
Isa syang ESTRANGHERO. Dating ESTRANGHERO. At nais kong manatiling ESTRANGHERO para malaya akong makakapagkwento sa kanya ng walang takot at alinlangan. Tunay na hindi dapat ibigay ang tiwala ninuman sa kung kanikanino lang. Lalo na ang mga bagay na may kinalaman sa personal mong buhay. Isa yan sa mga rules ng buhay. Pero minsan, masarap maging malaya. Yung pansamantalang kalilimutan mong ikaw ay ikaw, at ikaw ay iba, at ang iba ay hindi iba. At ang ESTRANGHERO ay hindi ang ibang tao. At ikaw ang ESTRANGHERO sa buhay mo.
3 comments:
I truly believe in that. (y)
thanks andy :) naexperience mo na ba?
That's true master khukhie.. Ahaha
Post a Comment