Saturday, March 24, 2012

Hinahanap ba ang pag-ibig?





Marami akong mga kilalang tao na hindi masaya,
ang dahilan ay dahil sa sila ay nag-iisa at walang kasama.
Hindi ko ibig sabihin na mag-isa lang silang namumuhay, 
kundi mag-isa lang nilang hinaharap ang mga problema sa buhay. 
Nasa tamang edad naman na sana, 
kaya lang wala pang mapiling katuwang. 
Hinahanap nga ba ang pag-ibig?
Maraming aklat ang pwedeng sumagot sa tanong na ito. 
Maraming mga pananaw mula sa mga eksperto.
Gayunpaman, may iba't ibang pag-iisip ang mga tao
kaya't ibigay mo man ang lahat ng opinyon, 
nasa kanyang sariling paniniwala pa rin ang sagot.
May mga nagsasabing kung uupo ka lang at maghihintay 
walang darating na Prinsesa o Prinsepeng 
sasagip sa di matinag mong paniniwalang mayroon nga.
Pero bakit naman yung
isang kakilala ko sumakay lang ng bus, 
isang buwan ang makalipas kinasal na? 
Wag mo namang sabihing naghanap sya sa bus 
at tinanong sila isa isa kung sinong Single pa sa kanila? 
May mga nagsasabi naman 
na sa halip na hanapin mo ang taong magmamahal sayo 
ay ihanda mo ang iyong sarili.
Kapag naging karapat dapat ka para sa isang tao,
darating yung karapat dapat para sa'yo. 
Bakit naman yung isang kakilala ko, 
mahigit sampung taon nang hinanda ang sarili, 
hanggang ngayon mag-isa pa rin? 
Tumanda nang dalaga at tila wala nang pag-asang magkaasawa? 
Ano nga ba talaga ang dapat gawin? 
Maghanap o maghintay? 
Para sa akin, sa sarili ko lang pananaw, 
ang pag-ibig ay napapasa kanilang handa nang tanggapin ito 
kasama ang mga problemang kaakibat nito. 
Bakit sya wala pa ring asawa? 
Siguro ayaw nya ng lalaking payat. 
Siguro ayaw nya ng babaeng maitim ang nguso. 
Siguro ayaw nya ng lalaking madaldal. 
Siguro ayaw nya ng babaeng mabagal kumain 
at hindi umiinom ng tubig na walang yelo. 
Siguro nga yun yung dahilan kung bakit hanggang ngayon wala pa syang asawa.
Marahil ang dahilan ay dahil hindi pa nya kayang
tanggapin na makikisama sya sa isang taong may mabahong hininga. 
Totoo naman, 
sino ba naman ang taong gustong sa bawat paggising nya sa umaga, 
mabahong hininga ng asawa ang babati sa kanya. 
Iisipin mong wag na lang gumising at matulog na lang 
hanggang makaalis na papunta sa trabaho ang asawa mo 
nang hindi mo na kailangang magbigay ng goodbye kiss. 
Ang tao nga naman gusto ng kasama 
pero ayaw tanggapin na walang taong perpekto. 
Oo, naghahanap ng isang prinsipe at ang daming pinapangarap 
na animo'y mayroon sa tunay na buhay. 
Walang ganun kahit maghintay ka ng limampung taon o mahigit pa.
Dahil kahit ang pinakamayaman at pinakamakapangyarihang hari 
ay mabaho rin ang utot. 
Ang ibig kong sabihin, 
wala namang masama kung mag-set ka ng standard mo 
pero wag mong asahang ganun nga ang mapapangasawa mo. 
May kakilala ako ang gusto mayaman, matangkad,
matalino, mabait, responsable, at higit sa lahat gwapo! 
Ayun nung magkita kami kamakalawa 
wala sa mga nabanggit meron ang asawa nya,
kabaliktaran lahat. 
Pero nung tinanong ko sya kung mahal nya, 
ang sagot nya oo naman. 
Hindi naman daw mahalaga kung anong itsura, 
ang importante mahal sya. 
E di ganun na nga, 
kinain nya yung sarili nyang salita.  
Ang pag-ibig ay hindi pakahulugan ng panglabas na kagandahan at kayamanan. 
Kung wala sa taong mahal mo ang mga katangiang hanap mo, 
tulungan mo syang angkinin ang mga yaon.
Ang ibig kong sabihin, 
maging bahagi ka ng pag-unlad nya at pagkamit ng salitang kaganapan 
o pagiging ganap. 
Yan ang pagmamahal, 
oo hinahanap yan. 
Hinahanap yan at sinisimulan sa sarili mo. 
Kung hindi mo kilala kung sino ka at kung ano ang gusto mo, 
di mo makikita ang taong para sa'yo. 
Oo hinihintay yan, 
at ang paghihintay ay hindi nangangahulugang wala kang gagawin. 
Sa paghihintay ay inihahanda mo ang iyong sarili.
Inaayos mo kung ano sa tingin mo ang kailangang ayusin.
Gawin mong ikaw ang pinakamaganda,
kahit ikaw lang ang naniniwalang maganda ka,
ang mahalaga ay may isang naniniwalang ikaw nga. 
At sakaling dumating ang taong iyon na para sa iyo,
alam mong sya na nga.
At walang pag-aalinlangan mo syang tatanggapin sa buhay mo 
at alam mong di ka na mag-iisa pang
muli. 


Ngayon tatanungin kita, hinahanap ba ang pag-ibig? 









Kwento mo to, ikaw ang may akda :)

Isang bagay ang napagtanto ko, ito ay ang kakayahan nating magpasya para sa ating mga sarili. Tayo mismo ang gumagawa ng ating sariling kwento, kung paano natin ito gustong simulan at ano ang kahihinatnan nito sa huli. Natutunan ko na malaki ang nagiging bahagi ng ating mga pagpili sa ating buhay. 10% ay dulot ng mga bagay na nakapaligid sa atin at 90% ay bunga ng ating pagpapasya. Nangangahulugan lamang ito na tayo ang lumilikha ng desenyo ng ating kapalaran.



Masarap tumawa, tama?
Mas masarap humalakhak.
Ang sarap ng buhay pag walang problema!
Pero kahit anung iwas natin,
may mga pagkakataong hindi natin kontrolado.
May mga pangyayaring hindi ayon sa ating nais,
at hindi tumutugma sa ating mga plano.
Subalit hindi totoong wala kang kayang gawin.
At hindi totoong hindi mo kasalanang pangit ang araw mo!
Lahat ng nangyayari sa'yo, 
hindi mo man ginusto,
ikaw ang responsable dito.

 RAISSA LAUREL









BAR EXAM EXPLOSION VICTIM 


Isa si Raissa Laurel sa mga taong hinahangaan ko
kung lakas lang ng loob ang pag-uusapan.
Hindi lang sa tapang maging sa Positibong pagharap sa kanyang dinanas.
Inisip kong kung ako kaya ang nasa kalagayan nya,
ganun ko rin kaya tatanggapin ang mga pangyayari?
Marahil ay panghihinaan ako ng loob at iisiping hindi patas ang buhay!
Subalit iba ang kanyang ipinamalas sa ating lahat.

Isa lang si Raissa sa mga taong dapat nating tularan,
o pagkunan ng inspirasyon sa mga panahong nahihirapan tayo.
Maaaring sa mga desisyong ginagawa natin 
o sa mga reaksyong ipinakikita  natin sa mga nangyayari sa atin.
Hindi madali ang buhay,
pero mas magiging magaan kung positibo natin itong ipinamumuhay.


Hindi masamang isipin ang problema, 
hindi naman kasi yan tinatakasan.
Pero hindi ba mas magaan sa pakiramdam pag masaya?
Hindi masamang ngumiti,
at lalong hindi masamang tumawa.

Kwento mo 'to.
Ikaw ang may akda ng buhay mo.
Paano mo ba ito gustong magwakas?
Sabi nga nila hindi mo kasalanang ipinanganak kang mahirap.
Ang kasalan ay kung mamamatay kang mahirap :)
Ang usaping ito ay hindi lang tungkol sa pera o yaman,
kundi pati na rin sa sarili mong kaligayahan.
Ikaw ang pumipili sa gusto mong maramdaman.
Kahit gaano kagulo ang paligid mo,
kayang kaya mo pa ring ayusin ang sarili mo.

Paano ba nagsimula ang kwento mo?
Hindi mo ba gusto?
Sabi ko nga sa iyo, kwento mo 'to!
Ikaw ang bahala sa wakas na gusto mo!