Wednesday, December 19, 2012

Hugis ng Puso


 May iba't ibang hugis ang mga bagay, may bilog, may square, may rectangle, may triangle at marami pang iba. Bawat hugis ay mahalaga sa kapakinabangan ng mga bagay. Halimbawa, ang gulong ay hugis bilog upang malaya itong pumaikot-ikot o sa madaling salita ay gumulong. Hindi tatakbo ang mga sasakyan kung ang gulong nila ay hugis square o triangle. Bata pa lang tayo ay tinuruan na tayo ng iba't ibang hugis ng ating mga magulang at mga guro. Marahil isa sa mga naging paborito nating hugis ay ang hugis PUSO.





 Ang hugis PUSO ay sumisimbolo sa pagmamahal. Hindi gaya ng ibang mga hugis, na makikita natin sa ating mga paligid, ang puso ay isang natatanging hugis. Madalas ay makikita lang natin ito sa mga larawan o mga lugar na may okasyon. Ang hugis puso ay hindi tunay na hugis ng ating mga puso kundi isang paglalarawan lamang. Minsan naitatanong ko sa aking sarili, bakit nga kaya ganun ang kanyang hugis. Hanggang sa dumating ako sa isang konklusyon. :)

 Naranasan mo na bang magmahal? Alam kong lahat tayo ay may mga mahal sa buhay gaya ng ating mga pamilya at mga kaibigan. Pero hindi yan ang gusto kong sabihin. Yung pagmamahal na natagpuan natin mula sa isang taong nagpakita ng kabutihan, pagmamalasakit at atensyon na hindi natin nakikita o nadarama mula sa ibang tao. Oo, yung pagmamahal mula kay special someone. Masarap magmahal, sa isang idlap bigla kang napupunta sa ibang mundo. Pakiramdam mo parang palagi kang lutang. Kung minsan nawawala ka sa focus. Hindi mo na alam kung ano ang mga ginagawa mo. Walang ibang laman ang isip mo kundi SYA. Pag kumakain ka iniisip mo sana andun sya para share kayo. At pag nagkataon naman na share nga kayo sa pagkain mo, ok lang kahit isang kagat ka lang kasi feeling mo super busog ka na at wala kang gana kasi mas may gana kang panuorin sya habang sarap na sarap sa pagkain mo. Pag namamasyal ka kasama ang mga kaibigan, physically present ka pero buong pagkatao mo nawawala. Pag naka-receive ka ng text mula sa kanya, nagwawala ka na sa kwarto mo, kawawa naman pag may kasama ka, bugbog sarado sayo dahil sa sobrang kilig mo. Pag sinabihan ka nyang maganda ka, ok ka nang mamatay, kasi feeling mo fulfilled ka na. Late ka na matulog sa gabi kasi ayaw mong matapos yung mga bagay na iniisip mo tungkol sa kanya. Madalas ini-imagine mo na magkasama kayo at magkaholding hands. Ang malala iniisip mo na kayo na! Haist! Ok lang yan. Hindi lang naman ikaw ang nakakaranas ng ganyan. Lahat naman halos ng in-love ganyan e. Kaya nga sinabi ko masarap ma-inlove. Kasi nagagawa mo yung mga bagay na dati hindi mo nagagawa. Nagiging malakas ang loob mo na gawin yung mga dating kinatatakutan mo at natututo ka ng mga bagong  bagay kasi gusto mong magpa-impress. Pero madalas natututo ka maging TANGA.

 Masarap magmahal, oo, pero masakit din. Maraming dahilan kung bakit tayo nasasaktan pag nagmamahal tayo. Minsan kasi mahal mo pero hindi ka mahal. Parang kahit anong gawin mo walang halaga sa kanya. Minsan mahal mo at mahal ka pero hindi pwede kasi may ibang masasaktan, may ibang nagmamay-ari o may ibang umaangkin. Minsan mahal mo at mahal ka pero hindi pwede kasi iniiwasan nyo ang kung ano ang masasabi o opinyon ng iba. Minsan mahal mo pero kaibigan o kapatid lang ang turing sayo. Minsan mahal mo at mahal ka pero natatakot kayong walang patutunguhan ang mga nararamdaman nyo at may panghihinayangan sa pagkakaibigang mayroon kayo sakaling hindi umubra. Minsan mahal mo at mahal ka pero may mga pagkakataong sinisira kayo ng kawalan ng tiwala sa isa't isa. Pagkakataon na mismo ang humahadlang. Minsan mahal mo at mahal ka pero wala kayo sa tamang lugar at panahon. Na kahit ipaglaban nyo ang isa't isa hindi kayo mananalo sa sitwasyong kinaroroonan nyo. Ang sakit noh? Pero ganun talaga ang magmahal. Masarap pero masakit.

 At yan ang dahilan kung bakit ganyan ang hugis ng puso. Ang dalawang curve sa taas ay sumisimbolo sa dalawang taong nagmamahalan. At ang patulis sa ibaba ay sumisimbolo sa sakit o pain na pwede nilang maranasan. Ngayon alam ko na kung bakit ganyan ang hugis ng puso. Masarsap magmahal pero masakit.

 Gayunpaman, hindi ibig sabihin na masakit magmahal ay hanggang doon na lang. Ang sakit ay anino lang ng pagmamahal. Tayo pa rin ang magdidikta kung ano ang kahihinatnan ng ating mga puso. Maaaring maraming pagkakataon tayong masasaktan, mahihirapan. Mga pagkakataong akala natin ay durog na tayo at hindi na natin kakayanin. Pero sa tuwing nasasaktan tayo, lalong tumitibay ang ating mga puso. Mas nagiging matigas at buo. Ang mga sakit na nararanasan natin ay nakatutulong upang mas maging handa tayo na magmahal muli. Maaaring sa ibang taong makikilala natin o sa mismong taong nakasakit sa atin. At sa tuwing nasasaktan tayo, mas natututunan natin kung ano ang tunay na pagmamahal.

 Maaaring sa paglipas ng panahon ay mabago ang hugis ng mga bagay sa ating paligid, pero hindi ang ating mga puso. Patuloy itong masasaktan, pero patuloy rin itong magmamahal.










Saturday, April 7, 2012

Man's Bestfriend?

Takot ako sa aso..
sa tuwing nakakakita ako ng aso kahit na alam kong malayo ito sa akin
hindi ko maiwasang hindi kabahan.
Maging sa mga panaginip ko,
humahanap ako ng mga daan kung saan makakaiwas ako sa aso.
Marahil nakakatawa para sa iba, 
pero masisisi mo ba ako kung alam mo ang puno't dulo nito?


Isang pagkakamali ang nagawa ko kaya't nagsimula ang takot kong ito.
Naaalala ko pa ang araw na iyon,
namamasyal kami ng ate ko ng biglang bumukas ang isang gate.
Lumabas ang isang batang babae dala ang kanyang aso,
malaki ito at kulay itim.
Nanlilisik ang mga mata nito at nag-aambang sunggaban 
ang sino mang magkamaling kumilos.
Pinigilan ako ng ate ko na gumalaw 
sa kaalamang hindi magdadalawang isip ang asong ito na kagatin ako.
Nanatili ako sa tabi nya na hindi halos humihinga
sa takot na baka maramdaman ng aso 
maging ang hangin na lumalabas sa aking ilong.
Ilang sandali pa'y nakaramdam ako ng pagka-inip,
marahil dulot ng pagiging bata
na hindi mapakali ng walang ginagawa.
Inisip kong kung tatakbo ako ng mabilis ay hindi ako nito aabutan.
At malaya na akong makakapaglaro pagkatapos.
Palibhasa'y musmos, di ko alintana ang kakayahan ng isang aso
lalo na sa pagtakbo.
Tinanaw ko ang daan na maaari kong takbuhan.
Nang masigurado kong walang sasakyan na makabubundol sa akin,
sinimulan kong tumakbo.
Sa isip ko'y malaya na ako.
Subalit sa aking paglingon habang ako'y papalayo,
nasulyapan ko ang asong itong papalapit sa akin
na animo'y hangad akong unahan sa finish line.
Sa sobrang takot ay binilisan ko pa ang pagtakbo.
Isang batang pilit inihahakbang ng malaki ang maliliit nitong mga paa
mailigtas lamang ang nanganganib nitong buhay.
At ang kaawa-awang batang ito ay hindi na kinaya ang pagod
ng mga paang hindi sanay sa takbuhan
at tuluyan nang sumubsob ang murang katawan sa lupa.
Inisip kong iyon na ang aking katapusan.
Mabilis ang mga pangyayari.
Naramdaman ko na lang na inaalalayan na ako ng ate ko sa pagtayo.
Buhay ako!
Ligtas ako at walang kagat ng aso!
Tanging galos lang sa mga tuhod at siko ang aking tinamasa.
Kanino ba ako dapat magpasalamat?
Sa isip ko'y inalalayan ako't niligtas ng Guardian Angel ko :)
Ikinuwento sa akin ng ate ko ang mga pangyayari.
Inabutan daw ako ng aso't sumunggab sa likod ko.
Mabuti na lamang raw at nadapa ako
kaya't nakalagpas sa akin ang asong iyon
at mabilis napigilan ng amo nito.
Nakaligtas ako subalit magmula noon,
hindi na naalis sa akin ang takot sa mga aso.

Isang bagay ang natutunan ko sa pangayayaring yon.
Hindi mo dapat pinapakita ang takot mo sa mga aso.
Ngayon alam ko na ang dapat kong gawin.
Sa katunayan, may mga alagang aso kami sa bahay.
Kapapanganak lang ng dalawa naming aso.
Tig-lima silang anak.
Sa kabuuan ay may tatlong aso at sampung tuta kami sa bahay.


Noong panahon, takot ang mga tao sa aso.
Subalit ngayon, tila mga aso na ang dapat matakot sa tao.
Iba't ibang mga paraan ng pang-aabuso ang ating nababalitaan.
Nariyan ang pagkatay sa mga aso para lang gawing pulutan;
Ginagawang katuwan ang pananakit sa kanila;
Ipinapasok sa sako at sinasabit sa mga sasakyan;
Mayroon pang iba na naglalagay ng paputok sa nguso ng aso.At marami pang iba.



Nakakalungkot mang isipin,
tila hindi na nabibigayang halaga ang mga hayop na ito.
Tinagurian pa man din nating silang "man's bestfriend"


sasaktan lang rin naman pala natin sila.
Ganun ba ang nais nating gawin sa atin ng ating mga kaibigan?
Ang mga hayop ay nakararamdam din ng sakit.
Ngunit marunong din tumanaw ng utang na loob.


Isa si Tabang sa mga kahanga hangang halimbawa
ng mga asong ipinaramdam ang kanilang pagmamahal sa kanilang amo.
Iniligtas ni Tabang ang among kamuntik nang mabangga ng isang motorsiklo.
At sa kasawiampalad, ito ang kanyang kinahinatnan..


Kung tutuusin at kung iisipin 
malaki dapat ang galit ko sa mga asong ito
dahil sa nangyari sa akin.

Ngunit hindi ganun kakitid ang utak ko
upang saktan ang mga hayop na walang muwang.
Biniyayaan tayo ng higit na talino at kakayahan ng Maykapal,
higit sa anu mang nilalang dito sa mundo.
Nawa'y gamitin natin ito upang pamunuan 
ang mga bagay sa paligid natin 
ng may pagmamahal at pagmamalasakit.
Maging hayop man ito o ating kapwa tao.






Saturday, March 24, 2012

Hinahanap ba ang pag-ibig?





Marami akong mga kilalang tao na hindi masaya,
ang dahilan ay dahil sa sila ay nag-iisa at walang kasama.
Hindi ko ibig sabihin na mag-isa lang silang namumuhay, 
kundi mag-isa lang nilang hinaharap ang mga problema sa buhay. 
Nasa tamang edad naman na sana, 
kaya lang wala pang mapiling katuwang. 
Hinahanap nga ba ang pag-ibig?
Maraming aklat ang pwedeng sumagot sa tanong na ito. 
Maraming mga pananaw mula sa mga eksperto.
Gayunpaman, may iba't ibang pag-iisip ang mga tao
kaya't ibigay mo man ang lahat ng opinyon, 
nasa kanyang sariling paniniwala pa rin ang sagot.
May mga nagsasabing kung uupo ka lang at maghihintay 
walang darating na Prinsesa o Prinsepeng 
sasagip sa di matinag mong paniniwalang mayroon nga.
Pero bakit naman yung
isang kakilala ko sumakay lang ng bus, 
isang buwan ang makalipas kinasal na? 
Wag mo namang sabihing naghanap sya sa bus 
at tinanong sila isa isa kung sinong Single pa sa kanila? 
May mga nagsasabi naman 
na sa halip na hanapin mo ang taong magmamahal sayo 
ay ihanda mo ang iyong sarili.
Kapag naging karapat dapat ka para sa isang tao,
darating yung karapat dapat para sa'yo. 
Bakit naman yung isang kakilala ko, 
mahigit sampung taon nang hinanda ang sarili, 
hanggang ngayon mag-isa pa rin? 
Tumanda nang dalaga at tila wala nang pag-asang magkaasawa? 
Ano nga ba talaga ang dapat gawin? 
Maghanap o maghintay? 
Para sa akin, sa sarili ko lang pananaw, 
ang pag-ibig ay napapasa kanilang handa nang tanggapin ito 
kasama ang mga problemang kaakibat nito. 
Bakit sya wala pa ring asawa? 
Siguro ayaw nya ng lalaking payat. 
Siguro ayaw nya ng babaeng maitim ang nguso. 
Siguro ayaw nya ng lalaking madaldal. 
Siguro ayaw nya ng babaeng mabagal kumain 
at hindi umiinom ng tubig na walang yelo. 
Siguro nga yun yung dahilan kung bakit hanggang ngayon wala pa syang asawa.
Marahil ang dahilan ay dahil hindi pa nya kayang
tanggapin na makikisama sya sa isang taong may mabahong hininga. 
Totoo naman, 
sino ba naman ang taong gustong sa bawat paggising nya sa umaga, 
mabahong hininga ng asawa ang babati sa kanya. 
Iisipin mong wag na lang gumising at matulog na lang 
hanggang makaalis na papunta sa trabaho ang asawa mo 
nang hindi mo na kailangang magbigay ng goodbye kiss. 
Ang tao nga naman gusto ng kasama 
pero ayaw tanggapin na walang taong perpekto. 
Oo, naghahanap ng isang prinsipe at ang daming pinapangarap 
na animo'y mayroon sa tunay na buhay. 
Walang ganun kahit maghintay ka ng limampung taon o mahigit pa.
Dahil kahit ang pinakamayaman at pinakamakapangyarihang hari 
ay mabaho rin ang utot. 
Ang ibig kong sabihin, 
wala namang masama kung mag-set ka ng standard mo 
pero wag mong asahang ganun nga ang mapapangasawa mo. 
May kakilala ako ang gusto mayaman, matangkad,
matalino, mabait, responsable, at higit sa lahat gwapo! 
Ayun nung magkita kami kamakalawa 
wala sa mga nabanggit meron ang asawa nya,
kabaliktaran lahat. 
Pero nung tinanong ko sya kung mahal nya, 
ang sagot nya oo naman. 
Hindi naman daw mahalaga kung anong itsura, 
ang importante mahal sya. 
E di ganun na nga, 
kinain nya yung sarili nyang salita.  
Ang pag-ibig ay hindi pakahulugan ng panglabas na kagandahan at kayamanan. 
Kung wala sa taong mahal mo ang mga katangiang hanap mo, 
tulungan mo syang angkinin ang mga yaon.
Ang ibig kong sabihin, 
maging bahagi ka ng pag-unlad nya at pagkamit ng salitang kaganapan 
o pagiging ganap. 
Yan ang pagmamahal, 
oo hinahanap yan. 
Hinahanap yan at sinisimulan sa sarili mo. 
Kung hindi mo kilala kung sino ka at kung ano ang gusto mo, 
di mo makikita ang taong para sa'yo. 
Oo hinihintay yan, 
at ang paghihintay ay hindi nangangahulugang wala kang gagawin. 
Sa paghihintay ay inihahanda mo ang iyong sarili.
Inaayos mo kung ano sa tingin mo ang kailangang ayusin.
Gawin mong ikaw ang pinakamaganda,
kahit ikaw lang ang naniniwalang maganda ka,
ang mahalaga ay may isang naniniwalang ikaw nga. 
At sakaling dumating ang taong iyon na para sa iyo,
alam mong sya na nga.
At walang pag-aalinlangan mo syang tatanggapin sa buhay mo 
at alam mong di ka na mag-iisa pang
muli. 


Ngayon tatanungin kita, hinahanap ba ang pag-ibig? 









Kwento mo to, ikaw ang may akda :)

Isang bagay ang napagtanto ko, ito ay ang kakayahan nating magpasya para sa ating mga sarili. Tayo mismo ang gumagawa ng ating sariling kwento, kung paano natin ito gustong simulan at ano ang kahihinatnan nito sa huli. Natutunan ko na malaki ang nagiging bahagi ng ating mga pagpili sa ating buhay. 10% ay dulot ng mga bagay na nakapaligid sa atin at 90% ay bunga ng ating pagpapasya. Nangangahulugan lamang ito na tayo ang lumilikha ng desenyo ng ating kapalaran.



Masarap tumawa, tama?
Mas masarap humalakhak.
Ang sarap ng buhay pag walang problema!
Pero kahit anung iwas natin,
may mga pagkakataong hindi natin kontrolado.
May mga pangyayaring hindi ayon sa ating nais,
at hindi tumutugma sa ating mga plano.
Subalit hindi totoong wala kang kayang gawin.
At hindi totoong hindi mo kasalanang pangit ang araw mo!
Lahat ng nangyayari sa'yo, 
hindi mo man ginusto,
ikaw ang responsable dito.

 RAISSA LAUREL









BAR EXAM EXPLOSION VICTIM 


Isa si Raissa Laurel sa mga taong hinahangaan ko
kung lakas lang ng loob ang pag-uusapan.
Hindi lang sa tapang maging sa Positibong pagharap sa kanyang dinanas.
Inisip kong kung ako kaya ang nasa kalagayan nya,
ganun ko rin kaya tatanggapin ang mga pangyayari?
Marahil ay panghihinaan ako ng loob at iisiping hindi patas ang buhay!
Subalit iba ang kanyang ipinamalas sa ating lahat.

Isa lang si Raissa sa mga taong dapat nating tularan,
o pagkunan ng inspirasyon sa mga panahong nahihirapan tayo.
Maaaring sa mga desisyong ginagawa natin 
o sa mga reaksyong ipinakikita  natin sa mga nangyayari sa atin.
Hindi madali ang buhay,
pero mas magiging magaan kung positibo natin itong ipinamumuhay.


Hindi masamang isipin ang problema, 
hindi naman kasi yan tinatakasan.
Pero hindi ba mas magaan sa pakiramdam pag masaya?
Hindi masamang ngumiti,
at lalong hindi masamang tumawa.

Kwento mo 'to.
Ikaw ang may akda ng buhay mo.
Paano mo ba ito gustong magwakas?
Sabi nga nila hindi mo kasalanang ipinanganak kang mahirap.
Ang kasalan ay kung mamamatay kang mahirap :)
Ang usaping ito ay hindi lang tungkol sa pera o yaman,
kundi pati na rin sa sarili mong kaligayahan.
Ikaw ang pumipili sa gusto mong maramdaman.
Kahit gaano kagulo ang paligid mo,
kayang kaya mo pa ring ayusin ang sarili mo.

Paano ba nagsimula ang kwento mo?
Hindi mo ba gusto?
Sabi ko nga sa iyo, kwento mo 'to!
Ikaw ang bahala sa wakas na gusto mo!