Wednesday, May 27, 2015

Obsession





“I desire to be with you. I miss you. I feel lonely when I can't see you. I am obsessed with you, fascinated by you, infatuated with you. I hunger for your taste, your smell, the feel of your soul touching mine.” 
― Jack LlawayllynnIndulgence



  Dumating ka na ba sa puntong nasabi mo sa iyong sarili na may mali sa nararamdaman mo? Kailan ba nagiging mali ang isang pagmamahal? At hanggang saan ba dapat ang limitasyon ng isang tao kapag umiibig?

  Hindi na bago sa akin ang makarinig ng iba't-ibang kwento ng mga taong in-love. Lahat na halos ng mukha ng pag-ibig ay nakilala ko mula sa mga taong nagbigay ng tiwala nila sa akin upang ilahad ang kanilang mga saloobin sa tuwing nakadarama sila ng kakaibang pakiramdam. Pakiramdam na dulot ng pagmamahal. Hindi na rin bago sa akin ang salitang pag-ibig dahil ako mismo ay nakaramdam na rin nito. Maraming pagkakataon sa buhay ng isang tao kung saan nararamdaman nya ito mula sa iba't-ibang taong kanyang nakikilala, sa mga panahong hindi nya inaasahan. Madalas, dahil sa biglaan ang pagdating ng ganitong pakiramdam ay hindi nagiging madali o handa ang isang tao para magdesisyon kung ano ang dapat nyang gawin o reaksyon dito. Marahil ito rin ang dahilan kung bakit may iba na hindi kayang kontrolin ang kanilang damdamin. 

  Tunay na ang pagmamahal ay walang limitasyon o hangganan. Maaari natin itong ibigay kanino man ng buong puso, nang walang hinihintay na kapalit. Gayunpaman, hindi ibig sabihin na walang limitasyon ay laging sapat. Sapagkat may mga pagkakataon na ibinibigay natin ito ng higit sa kinakailangan o maaaring asahan. Sa madaling salita SOBRA. At kapag sobra ang pagmamahal, nagdudulot ito ng hindi magandang resulta o bunga. At ito ang tinatawag nating OBSESSION..

  OBSESSION o humaling ang tawag kapag ang isang tao ay nasa kalagayan ng lubusang pagnanais, kung sa pag-ibig ay nakararamdam ng higit pa sa kayang ibigay ng pagmamahal. Kadalasan ay hindi nawawala sa kanyang isipan ang lahat tungkol sa kanyang iniibig. Nakaaapekto rin ito sa pang-araw-araw nyang gawain, kawalan ng focus, at mga di pangkaraniwang gesture. May mga pagkakataong hindi mo sila makakausap ng matino at hindi mapakali. Ito ang naguudyok sa isang tao na gumawa ng mga hindi pangkaraniwang gawain gaya ng pagkuha ng privacy ng ibang tao, pagkawala ng respeto at kung minsan, nakalulungkot mang sabihin, ay nagiging dahilan ng paggawa ng mga karumaldumal na gawain. Kapag dumating na sa ganitong punto ng pagmamahal ang isang tao, nawawala na ang tunay na kahulagan ng pag-ibig. Hindi na damdamin ang ginagamit at nananaig kundi pagnanasa at pananamantala, pagkawala ng kalayaan ng puso na magmahal at pagpapasakop sa kasamaan at kasalanan. Sabi nga nila 'lahat ng sobra ay masama'. 

  May ilang mga tao akong kinausap at tinanong kung naranasan na nila ang ganitong sitwasyon. Kung may pagkakataon ba sa buhay nila na na-obsess sila sa taong minsan nilang nagustuhan. At ito ang ilan sa kanilang mga sinabi -


*hindi makatulog sa gabi kakaisip sa taong mahal
*palaging nakatitig sa larawan nito
*madalas ay sinusundan ito saan man magpunta
*naka-follow sa iba't-ibang social networking sites
*inaalam ang mga paborito nito at ginagaya o ginagawa
*nagpapapansin ng todo-todo
*nagtatanong sa mga kakilala nito ng iba't-ibang impormasyon
*tini-text buong maghapon, magdamag kahit walang reply
*kung makatitig akala mo lalamunin ng buo
*at higit sa lahat ay kukuha ng anumang gamit nito, aamoy-amuyin pa ito, yayakapin at itatabi pa sa pagtulog. tsk tsk!


  Isa rin sa mga hindi magandang bunga nito ay ang sapilitang pag-angkin sa taong gusto nito, sya man ay single o taken. Ang taong nakararanas nito ay nawawala sa tamang katinuan ng pag-iisip. Wala itong pakialam sa anuman o sinuman basta't ang mahalaga ay mapasa-kanya ang gusto nya. Hindi mahalaga kung kalaban nya ang buong  mundo, ang mahalaga ay magtagumpay sya sa lahat  ng kanyang mga plano. Haay buhay! hindi masamang magmahal. Ang masama ay ang umangkin ng pagmamahal na hindi naman nararapat sa iyo. Hindi lang ito nakasasama sa ibang tao maging sa iyong sarili. Kung sakali mang mapasa'yo nga ang taong minamahal mo, ang tanong, magiging masaya ka nga ba talaga? O mas pahihirapan mo lang ang damdamin mo sa tuwing magkasama kayo pero iba ang nasa puso't isipan nya.

  Naniniwala ako na lahat tayo ay may mga pagkakataon sa buhay natin na makilala at mahanap ang taong bubuo sa atin. Madalas nga lang ay naiinip tayo at nagmamadali, at sa mga ganitong pagkakataon tayo madalas magkamali. Kaya nga hindi mo kailangang madaliin ang mga bagay-bagay. Kung hindi talaga para sayo wag mong pilitin. Dahil baka sa mga pagkakataong pinipilit mo ang iyong sarili sa taong hindi ka gusto, ay ang pagkakataong nasasayang upang makilala mo ang para sayo.







Tuesday, May 12, 2015

ESTRANGHERO







 Sa panahon ngayon, mahirap magtiwala. Maraming manloloko, manggagantso, mapagsamantala. Kaya nga't madalas nating marinig mula sa mga nakatatanda habang pinagsasabihan ang mga bata "don't talk to strangers". Tama nga naman, madalas ang mga nagiging biktima ng mga karahasan o pananamantala ay yung mga taong mabilis magbigay ng kanilang tiwala. Pero nasubukan mo na bang makipag-usap sa isang ESTRANGHERO?

 Makikita mo ako sa iba't ibang bahagi ng Metro Manila, gumagala, puma-PARTY. Hindi ako yung tipo ng tao na lulon sa mga bisyo. Pero gusto ko ng mga kasiyahan. Hindi ko yata kayang manatili lang sa bahay ng buong linggo ng hindi lumalabas para gawin ang mga bagay na gusto ko. Sakit na nga yata yun. Yung nangangati ang paa, nangangalay ang likod at puwet at sumasakit ang ulo pag walang GALA. Yan ako. Normal yan para sa akin.Hindi ko alam sa iba.

 Pero sa kabila ng pagiging gala, ako rin yung tipo ng tao na madalas mong makikitang nag-iisa. Hindi dahil sa takot ako sa mga tao. Puma-party nga ako di ba? Pero minsan, masarap lumayo at pansamantalang iwan ang mundong araw araw mong ginagalawan. Yung mga taong araw araw mong nakakasalamuha at yung mga gawaing palagi mong ginagawa. Hindi masamang mapag-isa. Dahil sa mga panahong yun, malaya kang nakakapag-isip at malaya mong naaangkin, maging pansamantala man lang ang salitang KAPAYAPAAN.

 Hindi ako madaling magbigay ng tiwala. Hindi ibig sabihin na madalas tayong magkausap at magkakwentuhan, tiwala na ako sa'yo. Hindi ganun yun. Maaaring may mga bagay ka na nalalaman tungkol sa akin. Pero malaki na kung dalawampung pursyento ng pagkatao ko ang alam mo. Kaya nga para sa akin walang pwedeng humusga at kumuwestyon sa kung sino at kung ano ako. Alam yan ng mga kaibigan ko. Mabait ako sa mabait, madalas mo rin akong makikitang masaya. Pero marunong din ako magalit, gaya ng lahat. Normal ako parang ikaw.

 Naging magulo ang isip ko ng mga nagdaang araw. May mga bagay na gumugulo sa isip ko at may mga bagay na hindi ko masabi sa kahit na kanino. Marami akong kaibigan, at may mangilan sa kanila na nakakausap ko tungkol sa mga bagay na hindi ko masabi sa iba. Pero iba ito. Hindi malaking problema pero hindi ko maramdamang kailangan kong sabihin sa kanila. Minsan may mga bagay tayong hindi masabi at hindi natin alam kung bakit. Kahit sa mga pinagkakatiwalaan nating mga tao. At sa mga panahong ito, tila kailangan natin ng isang ESTRANGHERO.

 Estranghero ang tawag sa taong hindi mo kilala, walang kinalaman sa buhay mo o hindi mo nakakasalamuha. Maaaring isang taong sa isang saglit, bigla o marahan ay nakadaupang palad mo sa di inaasahang pagkakataon. O sadyang nakilala o nakausap mo lang. May mga nagsasabing wala naman talagang estranghero dahil lahat naman tayo ay galing sa iisang pamilya. Hindi man natin kilala ang isang tao, galing pa rin tayo sa iisang Ama. Pero para sa akin, Estranghero ka kung hindi kita kilala.

 Isang pagkakataon ang dumating sa akin ngayon. Isang kamag-anak na matagal kong hindi nakita at ni minsan ay hindi ko nakausap ang nakasama ko sa loob lang ng isang araw. Isa syang Estranghero para sa akin dahil hindi ko sya kilala maliban sa kanyang pangalan. Kaya nga't hindi naging madali sa una ang pakikipag-usap ko sa kanya. May mga pagkakataong hindi ko alam ang sasabihin at hindi ko alam kung paano bubuhayin ang usapan. Pero gaya ng sinabi ko, isa itong pagkakataon. Pagkakataong masabi ko ang isang bagay na hindi ko masabi sa iba dahil sa mapanghusgang pananaw ng mga tao. Oo, unang beses kaming nag-usap at naglabas ako ng mga saloobin ko. Bagay na kadalasan ay ginagawa ko lang sa mga malalapit kong kaibigan. Pero iba ito, iba pala ang pakiramdam ng pagsasabi ng nilalaman ng isip mo sa taong hindi mo kilala at hindi ka rin kilala. Mas malaya kang magpahayag ng nararamdaman mo ng walang alinlangan. Nasabi ko na ang hindi ko masabi, ng walang panghuhusga at may pagmamalasakit, na sa palagay ko ay tunay dahil hindi naman nya kailangang magpanggap dahil hindi naman kami magkakilala.

 Isa syang ESTRANGHERO. Dating ESTRANGHERO. At nais kong manatiling ESTRANGHERO para malaya akong makakapagkwento sa kanya ng walang takot at alinlangan. Tunay na hindi dapat ibigay ang tiwala ninuman sa kung kanikanino lang. Lalo na ang mga bagay na may kinalaman sa personal mong buhay. Isa yan sa mga rules ng buhay. Pero minsan, masarap maging malaya. Yung pansamantalang kalilimutan mong ikaw ay ikaw,  at ikaw ay iba, at ang iba ay hindi iba. At ang ESTRANGHERO ay hindi ang ibang tao. At ikaw ang ESTRANGHERO sa buhay mo.