May iba't ibang hugis ang mga bagay, may bilog, may square, may rectangle, may triangle at marami pang iba. Bawat hugis ay mahalaga sa kapakinabangan ng mga bagay. Halimbawa, ang gulong ay hugis bilog upang malaya itong pumaikot-ikot o sa madaling salita ay gumulong. Hindi tatakbo ang mga sasakyan kung ang gulong nila ay hugis square o triangle. Bata pa lang tayo ay tinuruan na tayo ng iba't ibang hugis ng ating mga magulang at mga guro. Marahil isa sa mga naging paborito nating hugis ay ang hugis PUSO.
Ang hugis PUSO ay sumisimbolo sa pagmamahal. Hindi gaya ng ibang mga hugis, na makikita natin sa ating mga paligid, ang puso ay isang natatanging hugis. Madalas ay makikita lang natin ito sa mga larawan o mga lugar na may okasyon. Ang hugis puso ay hindi tunay na hugis ng ating mga puso kundi isang paglalarawan lamang. Minsan naitatanong ko sa aking sarili, bakit nga kaya ganun ang kanyang hugis. Hanggang sa dumating ako sa isang konklusyon. :)

Masarap magmahal, oo, pero masakit din. Maraming dahilan kung bakit tayo nasasaktan pag nagmamahal tayo. Minsan kasi mahal mo pero hindi ka mahal. Parang kahit anong gawin mo walang halaga sa kanya. Minsan mahal mo at mahal ka pero hindi pwede kasi may ibang masasaktan, may ibang nagmamay-ari o may ibang umaangkin. Minsan mahal mo at mahal ka pero hindi pwede kasi iniiwasan nyo ang kung ano ang masasabi o opinyon ng iba. Minsan mahal mo pero kaibigan o kapatid lang ang turing sayo. Minsan mahal mo at mahal ka pero natatakot kayong walang patutunguhan ang mga nararamdaman nyo at may panghihinayangan sa pagkakaibigang mayroon kayo sakaling hindi umubra. Minsan mahal mo at mahal ka pero may mga pagkakataong sinisira kayo ng kawalan ng tiwala sa isa't isa. Pagkakataon na mismo ang humahadlang. Minsan mahal mo at mahal ka pero wala kayo sa tamang lugar at panahon. Na kahit ipaglaban nyo ang isa't isa hindi kayo mananalo sa sitwasyong kinaroroonan nyo. Ang sakit noh? Pero ganun talaga ang magmahal. Masarap pero masakit.
At yan ang dahilan kung bakit ganyan ang hugis ng puso. Ang dalawang curve sa taas ay sumisimbolo sa dalawang taong nagmamahalan. At ang patulis sa ibaba ay sumisimbolo sa sakit o pain na pwede nilang maranasan. Ngayon alam ko na kung bakit ganyan ang hugis ng puso. Masarsap magmahal pero masakit.
Gayunpaman, hindi ibig sabihin na masakit magmahal ay hanggang doon na lang. Ang sakit ay anino lang ng pagmamahal. Tayo pa rin ang magdidikta kung ano ang kahihinatnan ng ating mga puso. Maaaring maraming pagkakataon tayong masasaktan, mahihirapan. Mga pagkakataong akala natin ay durog na tayo at hindi na natin kakayanin. Pero sa tuwing nasasaktan tayo, lalong tumitibay ang ating mga puso. Mas nagiging matigas at buo. Ang mga sakit na nararanasan natin ay nakatutulong upang mas maging handa tayo na magmahal muli. Maaaring sa ibang taong makikilala natin o sa mismong taong nakasakit sa atin. At sa tuwing nasasaktan tayo, mas natututunan natin kung ano ang tunay na pagmamahal.
Maaaring sa paglipas ng panahon ay mabago ang hugis ng mga bagay sa ating paligid, pero hindi ang ating mga puso. Patuloy itong masasaktan, pero patuloy rin itong magmamahal.